Ang Sarsuwela sa Panahon ng Amerikano Tunay na makulay at mayaman ang tradisyon ng dulaan sa ating bansa. At isa nga sa mga masasabing tumatak at patuloy na impluwensiyal na anyo ay ang tinatawag na sarsuwela. Isang uri ng dula na higit na namayagpag sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Kinikilala ang sarsuwela bilang isang uri ng dulang musikal: may awitan at sayawan. Sa paglalarawan ni Nicanor G. Tiongson sa A Short History of The Philippine Sarsuwela (1879-2009) sa Philippine Humanities Review, ang sarsuwela ay binubuo ng isa hanggang limang yugto o bahagi, nasusulat sa pormang tuluyan (o hindi patula), gumagamit ng wikang kolokyal (wikang pang-araw-araw) at nagtatalakay ng mga karanasang Filipino na nakabalangkas sa kuwentong pag-ibig. Kasaysayan ng Sarsuwela. Mauugat ang kasaysayan ng ating sarsuwela sa zarzuela ng mga Kastila. (Mapupuna ang kaibahan sa baybay.) Ang zarzuela ng mga Kastila sang-ayon sa pagtalakay ni Amelia Lapeña-Bonifacio sa artikulong The Zarzuela sa The “Seditious” Tagalog Playwrights: Early American Occupation (1972) ay nagsimula bilang aliwan ng mga dugong bughaw sa España at unang sumibol noong ika17 na siglo. Ang dulang Kastila na ito ay unang natunghayan sa bansa noong 1878 sa pagdating ni Dario Cepedes at ng kanyang grupo. Sinundan ito ng pagdating ng mag-asawang Alejandro Cubero at Elisea Raguer, na siyang naging tapagsanay ng mga Filipino na naging interesado sa dulang musikal na ito. Mapupunang umabot ng halos 200 taon bago ito nakilala sa ating kapuluan. Bagamat maituturing na impluwensiya ng mga mananakop na Kastila, nagkaroon ng pagsasakatutubo sa naturang uri ng dula. Magmula nang unang mapanood ang zarzuela noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, nagbanyuhay ito bilang sarsuwela ng mga Filipino at nakilala sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa iba’t ibang katawagang tulad ng “sarsuela,
zarzuela, sarsuelet, drama lirico, operetta, sarsuyla, dulang hinonihan, dulang inawitan, at dulang may awit” (Tiongson 2009 , 149). Ang Sarsuwela at ang Batas Sedisyon. Nagsimula mang mapayabong ang sarsuwela sa ilalim ng panahon ng mga Kastila, maituturing na ang pamumukadkad nito ay makikita sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, espesipiko sa mga taong 1900 hanggang 1930. Naging malaki ang ambag ng sarsuwela sa pagtalakay ng mga usapin sa panahon ng panunupil ng mga neo-kolonisador. Sa katunayan, naging instrumento ito para pag-alabin ang diwang makabayan ng mga Filipino upang labanan ang gobyernong Amerikano at ipagpatuloy ang rebolusyong nagsusulong ng kasarinlan. Dulot nito, “sedisyoso” o mapaghimagsik kontra pamahalaan ang naging paratang ng mga Amerikano sa mga sarsuwelang ito. Ang paratang na ito ay higit pang nagkaroon ng ngipin sa pagkakatatag ng Batas Sedisyon. Sa bisa ng Batas Sedisyon, naipagbawal at naging krimen sa pamahalaan ng mga Amerikano ang anomang uri ng pamaaraang nakalinya sa adhikaing magkaroon ng kalayaan ang mga Filipino. Hindi nakalusot ang mga pagtatanghal tulad ng sarsuwela sa kagat ng batas na ito. Sa katunayan, nagawa ng Batas Sedisyon na maipakulong ang mga mandudula, artista, at mga manonood ng mga pagtatanghal na pinararatangang sedisyoso. Si Aurelio Tolentino at ang Dula ng Pakikibaka. Bagamat may batas na nagsusupil sa pagnanasang lumaya, nakamamanghang hindi ito naging hadlang upang gamitin ang entablado para maipakita ang kalagayan ng bansa at mahimok ang mga mamamayang umalma sa paniniil ng bago nitong kolonisador. Ang manunulat na si Aurelio Tolentino ay isa sa pinakatanyag sa panahong ito sa paggamit ng teatro at ng sarsuwela bilang instrumento ng pakikibaka.
1
Sa isang pagtatanghal noong Mayo 14, 1903 ng isinulat niyang dulang Kahapon, Ngayon, at Bukas, hinuli at kinulong si Tolentino. Sang-ayon sa paglalarawang ng mga pangyayari na sinipi ni Doreen Fernandez sa kanyang panimula In the Context of Political History and Dramatic Tradition (1981), may bahagi sa dula na nangailangang gawin ng aktor, ang sirain ang watawat ng Amerika bilang senyal ng pagkakatagumpay makamit ang kalayaan. Subalit, may pagdadalawang isip ang aktor na gawin ito sa harap ng mga Amerikano na manonood, kung kaya’t si Tolentino na mismo ang sumalo sa pagganap. Itinuloy niya ang nasabing aksiyon na siyang nagresulta upang magwala ang mga Amerikano na nanonood sa tanghalan. Batay kay Lapeña-Bonifacio, umabot sa 15 hanggang 20 Amerikano ang umakyat sa entablado, nagwala at naninira ng mga gamit sa tanghalan. Sanhi nito, higit na nakatawag pansin sa mga Filipino ang dula at nakaakit pa nang mas maraming manonood sa sumunod nitong pagtatanghal. Bago pa ang bahaging ito, inilarawan din Lapeña-Bonifacio na may bahagi rin sa dula ni Tolentino ang may mga talumpati at elohiyo (talumpati ng papuri) para sa mga nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban. Nagdulot ng matinding hiyawan sa mga manonood ang pagbigkas ng pangalan ng mga nangunguna sa paglaban sa pamahalaang Amerikano. Bukod dito, nabanggit sa isang pagtalakay ni Arthur Stanley Riggs (The Filipino Drama, 1981) isang Amerikanong sundalo, at manunulat at editor ng dyaryong The Manila Freedom, na nanatili at naging saksi sa mga dulang ito noong 1902-1904, ginagawa rin sa mga dulang itinatanghal ni Tolentino ang pagpapatutog ng Himno Nacional at ang paggamit/ paglalantad ng bandila ng Katipunan. Ang paglalantad ng watawat ay isa sa mga pangunahing nakakukuha ng matinding reaksiyon mula sa mga manonood. Ang nakamamangha rito, ito ay nangyayari sa isang iglapan lamang at hindi agarang nahahalata ng mga Amerikano na nanonood ng dula. Kadalasang nagdudulot sa kanila ng
kalituhan kung bakit may maingay na reaksiyon ang mga Filipino na kasamang nanonood. Ang sumusunod ay dalawang sipi mula sa nasabing dula: Sipi 1 Labas 12. Ybang tanyag. Ysang gubat. Magkaagapay si Tagailog at si Ynangbayan sa gitna. Si Tagailog ay may hawak na luces de vengalang azul sa isang kamay, at sa isa naman ay isang sable. Si Ynangbayan ay siyang may tangan ng bandila. Pagbubukas ng tabing ay tutugtog ng Marcha Nacional Filipina ang isang bandang musikang nasa labasan. Pagkatapos ng nasabing marcha ay lalabas si Bagongsibol at si Malaynatin. Ynangbayan, Tagailog, Bagongsibol, Malaynatin. Gulat ang anyo ni Bagongsibol at Malaynatin. MALAYNATIN:
Tagailog!
BAGONGSIBOL:
Ynangbayan, ano ang inyong inasal?
YNANGBAYAN: kalayaan.
Aming itinayong tunay ang bandila ng
TAGAILOG:
Ang araw na nga’y sumapit Ng aming paglayaing pilit Sa di man payagan kahit Ng dangal mo Ay tuloy din yaring nais.
YNANGBAYAN (Kay Bagongsibol) Ysinamo sa iyo poon Ang marubdob naming layon, Ngunit hindi mu nilingon Nang bahagia Yaong matuid naming tutol BAGONGSIBOL:
Di pumayag sa iyong nais Pagkat kita’y iniibig 2
Di mu pa makayang tikis Ang humawak Ng sarili mong matuid. At sinu ang magtatanggol Kung sakaling ang daluyong Ng sakim nitong panahon Ay dagsaan ka? Sinu ang sa iyo’y aabuloy? TAGA-ILOG:
Bagongsibol, makakaya Ng sarili yaring pita.
MALAYNATIN:
Tagailog, saan kukuha Ng lakas mo at sandata?
YNANGBAYAN:
Ybig ninyong mapagmasdan Ang boong lakas naming tunay
BAGONGSIBOL AT MALAYNATIN: Oo. Ngayon din. TAGAILOG: Ngayon din (Sususuhan ni Tagailog ang luces de vengalang puti. Pagdaka’y lilitaw ang tabing na may maraming hokbong Tagalog) (Riggs, 646-647) Sipi 2 YNANGBAYAN:
Bagongsibol, Malaynatin, Pabayaa’t huag ligaligin Ang kalayaang aming-amin: Kapag inyo pang pinigil, Babaha ang dugu natin. At sa gayon, kayong tunay Mananagot sa Maykapal, Sa mangalulusog buhay, Sa ulilang mangaiiwan Sa kamay ng kamatayan. (Riggs, 649)
Makikita sa mga siniping nabasa kung paano ang mga pangalan ng mga tauhan sa dula ay sumisimbolo hindi sa isang indibidwal kung hindi sa isang konsepto. Si Malaynatin ay kumakatawan sa pamahalaang Amerikano, si Bagong Sibol ay ang Amerika mismo, si Ynangbayan ay ang Filipinas, at si Tagailog ay kumakatawan sa mga Tagalog. Masusuri sa Sipi 1 ang pagpapakita ng eksena sa kalagayang ng bansa sa panahong iyon. Sa eksena, ikinagulat nina Malaynatin at Bagongsibol ang pagtitindig ni Ynangbayan sa watawat ng kalayaan. Nagpahayag ang huli, kasama si Tagailog ng pagnanasang lumaya, subalit ito ay tinututulan ni Bagong Sibol na naniniwalang hindi pa ito kaya ni Ynangbayan. Hanggang sa mauwi ito sa paghamon nina Bagong Sibol at Malaynatin na ipakita ni Tagailog ang lakas upang patunayang makakayanan ang pagsasarili. Mababasa naman sa Sipi 2 ang malinaw na mensahe ni Ynangbayan na hindi mapipigilan ang pagkakamit ng kalayaan at ang pagpapahayag ng pagbabanta nito sa sinumang hahadlang. Hindi maitatangging ang halimbawang dulang ito ni Tolentino –ang Kahapon, Ngayon, at Bukas ay binansagang drama simboliko sapagkat ginagamit nito ang sarsuwela, balangkas ng drama, at mga karakter bilang simbolo, alegorya, at tindig. Kung kaya’t itinuturing ito na “pinakamahalagang kontribusyon ni Tolentino sa dramang Filipino at masasabing pinakakontrobersiyal sa panahon ng sedisyosong drama.” (Tiongson 2009, 205) Hindi nag-iisa si Tolentino sa kanyang simulain at mga pamamaraan. At katulad ni Tolentino ang sumusunod na mga dula ay nakaranas din ng mga pag-aresto. 1. Ang Tanikalang Guinto ni Juan Abad, noong Mayo 10, 1903, sa Batangas, Batangas 3
2. Hindi Aco Patay ni Juan M. Cruz, noong Mayo 10, 1903, sa Malabon, Rizal 3. Kalayaan Hindi Natupad ng hindi kilalang awtor ng Obando, Bulacan, noong Mayo 25, 1903 4. Pulong Pinaglahuan ni Mariano Martinez, noong Enero 6, 1904, sa Navotas, Rizal 5. Dahas ng Pilak ni Maximo de los Reyes, noong Mayo 1, 1904, sa Malabon, Rizal 6. Ang Katipunan ni Gabriel Beato Francisco, noong Pebrero 21, 1905, sa Laoag, Ilocos Norte (Lapeña – Bonifacio 1972, 24) Batay pa rin kay Lapeña -Bonifacio, ang unang dalawa sa listahan, kasama ang Kahapon, Ngayon, at Bukas ang pinakasensyonal sa mga nabanggit at naging laman ng mga pahayagan mula 1903 hanggang 1905. Ang Sarsuwela at Ang Kalayaan. Sa kabila ng panlalait ng mga Amerikano tulad ng sundalong si Riggs, sa uri ng teatrong kanyang naranasan sa Pilipinas, tulad halimbawa ng paggiit na ang pamamaraan, direksiyon, manuskrito ng mga drama ay salat at hindi ganap, makikita naman ang kabaliktarang reaksiyong nagmumula sa mga Filipino na manonood. Malaki ang kabuluhan ng mga dulang pinaratangang sedisyoso noong panahon ng mga Amerikano. Kung tutuusin akma ang mga ito sa panawagan ng kanyang panahon. Kung kaya’t hindi ito sapat basahin sa lente ng dayuhan na nagpaparatang sa mga ito bilang mababang uri at sedisyong dula lamang. Matapang at hindi nasisikil ng anomang uri ng pagbabawal ang mag dulang ito, at tunay na masasabing nakaambag ang mga pangyayari sa panahon upang magkaroon ng natatanging kulay ang uri ng dulang ito na yumabong at sumibol sa panahon ng Amerikano.
Hindi mapabubulaanang iba ang tingkad ng kulay at yaman ng dulaan sa ating bansa. Napatunayan ng sarsuwela na ang sining ay isang instrumentong makapangyarihan. Naging bahagi ito ng rebolusyon. Higit sa pagpapakita ng representasyon ng mga pangyayari sa isang espesipikong panahon, nagawa nitong mapaisip ang mga tagatunghay. At higit sa mapaisip, nagawa nitong mapakilos ang mga Filipino para sa iisang hangarin –ang makamit ang kalayaan. Sanggunian Libro Lapeña-Bonifacio, A. (1972.) The Seditious Tagalog Playwrights: Early American Occupation. Manila: Regal Printing Co. Philippines Riggs, A. (1981). The Filipino Drama. Manila: Ministry of Human Settlements, Intramuros istration Artikulo Tiongson, N. G. (2009). A Short History of the Philippine Sarsuwela (1879 – 2009). NasaPhilippine Humanities Review. Quezon City: University of The Philippines Press, Fernandez, D. (1981). Introduction: In the Context of Political History and Dramatic Tradition. Nasa The Filipino Drama. Manila: Ministry of Human Settlements, Intramuros istration
4