Tekstong Persuweysib ERNESTO M. BALDOZA
Mahalagang Tanong
Sa ano-anong pagkakataon nagagamit o nagiging mahalaga ang husay sa pagsulat ng tekstong persuweysib?
Simulan 1. Mayroon kabang natatandaang mga linya sa patalastas na tumatak sa iyong isipan at humikayat sa iyong bumili ng produkto? 2. Masasabi mo bang epektibo ang paraan ng panghihikayat kaya tumatak ito sa iyong isipan at humikayat sa iyong bumili? Ipaliwang ang iyong sagot.
Alam Mo Ba?
Propaganda Devices Ang panghihikayat sa taong bumili ng isang produkto o iboto ang isang kandidato ay isang bagay na dapat ay masusing pinag-iisipan. Kung mapapansin, ang mga patalastas sa telebisyon, sa mga diyaryo, at magasin ay kinakailangan nakapupukaw ng atensiyon upang mapansin. Ang mga eksperto sa likod ng mga propagandang ito ay may mga ginagamit na propaganda device.
1.
Name-Calling - Ito ay ang pagbibigay ng hindi magandang taguri sa isang produkto o katunggaling politiko upang hindi tangkilikin. Karaniwang ginagamit ito sa mundo ng politika. Halimbawa: Ang pekeng sabon, bagitong kandidato, trapo (traditional politician)
2. Glittering Generalities - Ito ay ang magaganda at nakakasilaw na pahayag ukol sa isang produktong tumutugon sa mga paniniwala at pagpapahalaga ng mambabasa. Halimbawa: Mas makatitipidsa bagong ______. Ang inyong damit ay mas magiging maputi sa______. Bossing sa katipiran, bossing sa kaputian. 3. Transfer - Ang paggamit ng isang sikat na personalidad upang mailipat sa isang produkto o tao ang kasikatan. Halimbawa: Ipagpapatuloy ko ang sinimulan ni FPJ. -Grace Poe; Manny Pacquiao gumamit ng________ kapag nasasaktan.
4. Testimonial - Kapag ang isang sikat na personalidad ay tuwirang nag-endorso ng isang tao o produkto. 5. Plain Folks - Karaniwan itong ginagamit sa kampanya o komersiyal kung saan ang mga kilala o tanyag na tao ay pinalalabas na ordinaryong taong nanghihikayat sa boto, produkto, o serbisyo. 6. Card Stacking - Ipinakikita nito ang lahat ng magagandang katangian ng produkto ngunit hindi binabanggit ang hindi magandang katangian. Halimbawa: Ang instant noodles na ito ay makapagbubuklod ng pamilya, nakatitipid sa oras, mura na masarap pa. (Ngunit hindi nito sinasabing kakaunti lang ang sustansiyang taglay, maraming tagong asin at kung araw-araw itong kakainin ay maaaring magdulot ng sakit.) 7. Bandwagon - Panghihikayat kung saan hinihimok ang lahat na gamitin ang isang produkto o sumali sa isang pangkat dahil ang lahat ay sumali na. Halimbawa: Buong bayan ay nag-e-LBC peso padala na.
Ang Tekstong Persuweysib Layunin ng isang tekstong persuweysib ang manghikayat o mangumbinsi sa babasa ng teksto. Isinusulat
ang tekstong persuweysib upang mabago ang takbo ng isip ng mambabasa at makumbinsi na ang punto ng manunulat, at hindi sa iba, ang siyang tama.
Hinihikayat
din nito ang mambabasa na tanggapin ang posisyong pinaniniwalaan o ineendorso ng teksto.
Ang tekstong persuweysib ay may subhetibong tono sapagkat malayang ipinahahayag ng manunulat ang kanyang paniniwala at pagkiling tungkol sa isang isyung may ilang panig. Taglay nito ang personal na opinyon at paniniwala ng mayakda.
Ang
ganitong uri ng teksto ay ginagamit sa mga iskrip para sa patalastas, propaganda para sa eleksiyon, at pagrerekrut para sa isang samahan o networking.
Inilarawan ng Griyegong pilosopo na si Aristotle ang tatlong paraan ng panghihikayat o pangungumbinsi. 1. Ethos- Ito ay tumutukoy sa kredibilidad ng isang manunulat. Dapat makumbinsi ng isang manunulat ang mambabasa na siya ay may malawak na kaalaman at karanasan tungkol sa kanyang isinusulat, kung hindi ay baka hindi sila mahikayat na maniwala rito.
Halimbawa: Ang isang taong nanghihikayat ng mga turista upang bisitahin ang isang isla sa Pilipinas gayong hindi pa siya nakapupunta rito ay maaaring maging kaduda-duda. Gayunpaman, may iba pang paraan upang magkaroon ng kredibilidad. Ang estilo ng pagsulat ay mahalaga upang magkaroon ng kredibilidad. Dapat na maisulat nang malinaw at wasto ang teksto upang lumabas na hitik sa kasalanan at mahusay ang sumusulat. Ang paraan ng pagsisipi ng sanggunian ay maaaring makatulong sa pagpapatibay ng kredibilidad. Kailangang mapatunayan sa mga mambabasa na ang mga datos at impormasyon ay wasto at napapanahon upang makumbinsi na ang isinulat ay tama at mapagkakatiwalaan.
2. Pathos - tumutukoy ito sa gamit ng emosyon o damdamin upang mahikayat ang mambabasa. Ayon kay Aristotle, karamihan sa mga mambabasa ay madaling madala ng kanilang emosyon. Ang paggamit ng pagpapahalaga at paniniwala ng mambabasa ay isang epektibong paraan upang makumbinsi sila. Halimbawa; Ang pagsasalaysay ng isang kuwentong makaaantig ng galit o awa ay isang mabisang paraan upang mahikayat silang pumanig sa manunulat.
3. Logos - Ito ay tumutukoy sa gamit ng lohika upang makumbinsi ang mambabasa. Kailangang mapatunayan ng manunulat sa mga mambabasa na batay sa mga impormasyon at datos na kanyang inilatag ang kanyang pananaw o punto na siyang dapat paniwalaan. Gayunpaman, isa sa mga madalas na pagkakamali ng mga manunulat ang paggamit ng ad hominem fallacy, kung saan, ang manunulat ay sumasalungat sa personalidad ng katunggali at hindi sa paniniwalaan nito.
Kailangang tandaan na sa paggamit ng mga paraang ito dapat isaalang-alang kung sino o anong uri ang mga mambabasa. Halimbawa, kung ang babasa ng teksto ay mga taong may hawak ng mataas na posisyon o mga negosyante, makabubuting gumamit ng kredibilidad at mga wastong impormasyon at datos upang sila ay makumbinsi, habang mayroon namang mga mambabasa na nahihikayat kung gagamitin ng apela sa emosyon. Maaari ding gamitin ang lahat ng paraan o kung mayroon pang naiisip na ibang paraan na magiging epektibo sa uri ng inaasahan mong mambabasa.
Sagutin 1. Ano ang layunin ng tekstong persuwesib? 2. Bakit sinabing subhetibo ang tono ng tekstong persuwesib? 3. Saan karaniwang ginagamit ang tekstong persuwesib? 4. Ano-ano ang tatlong paraan ng pangungumbinsi ayon kay Aristotle? Alin sa palagay mo ang pinakamabisang gamitin sa pangungumbinsi sa mga kabataang tulad mo? 5. Kung susulat ka ng isang tekstong persuwesib, ano-ano ang dapat mong isaalang-alang?
Pagsulat ng Journal Bilang isang mambabasa at manunulat, bakit mahalagang pag-aralan ang tekstong persuwesib?
Ilang Tekstong Persuweysib na Bahagi ng Iba Pang Teksto Filipino, ang Pambansang Wikang Dapat pang Ipaglaban ni Antonio Contreras (bahagi lamang) Dahil dito, hindi dapat kinatatakutan ng mga aktibistang rehiyonalista ang Filipino na siya raw bubura at lulusaw sa kanilang mga identidad. Ang pangambang ito ay isang hungkag na pangamba. Mabubura lamang ang kaakuhan kung ito ay hahayaan. At hindi nangangahulugan na dahil ginagamit mo ang isang wika ay mawawala na ang iyong pagkatao. Kung may malay ka dito, at mga kontrol ka dito, hindi ito mabubura. Ito dapat ang pinagkakaabalahan ng mga aktibistang rehiyonalista, ang pagyamanin ang kani-kanilang mga wika, kultura, at kamalayan, kasabay ng pagtangkilik sa pagpalaganap ng isang wikang pambansang sa ngayon ay maaaring ang dominanteng hulmahan ay ang Tagalog, subalit bukas sa pagpasok ng iba pang mga wika upang ito ay mapagyaman at mapayabong.
At ito rin ang dahilan kung bakit dapat patuloy na ipagtanggol ang Wikang Filipino, at panatilihing buhay ang kamalayang iugnay ito sa ating paghubog ng ating mga iba’t ibang identidad. Ito lamang ang sisiguro na hindi malulusaw ang wika ng mga Pilipino sa muhka ng talamak na pagtangkilik sa Ingles. Dapat pa ngang makipagtulungan ang mga aktibistang rehiyonalista sa labang ito, dahil sa iisang panig lang lahat tayo. Malinaw na kapag mawalan ng lugar ang wikang Filipino sa pagbubuo nga kamalayang pambansa, mawawalan din ng lugar ang mga wikang rehiyonal na makapag-ambag sa kabuoan ng kamalayang ito. Sa isang sistemang global, mawawala at lalamunin tayo sa ating pagkawatak-watak.
Sa kalaunan, hindi naman talaga ang Ingles ang kaaway. Hindi dahil ginagamit ang Ingles ay mabubura na ang Filipino. Ang kaaway ay ang mga puwersang nananahan sa puso at isipan ng maraming Pilipino, na ang iba ay may mga hawak pa nga na posisyon, sa pamahalaan man o sa pamantasan, na lumilikha ng mga balakid at pumipigil sa pagpapanatili ng Filipino sa kamalayan ng Pilipino. Ito ang mga taong pinipilit papiliin ang Pilipino na mag-Ingles o mag-Filipino, samantalang ang nararapat ay palawakin ang kamalayang Filipino sa mga Pilipino upang kahit matatas tayong magsalita ng Ingles ay mananatili tayong matatas magsalita sa Filipino at kung anumang rehiyonal nating mga wika. Sanggunian:http ://www.gmanetwork.com/news/story/376423/opinion/filipino-ang-pambansang -wikang-dapat-pangipaglaban#sthash.MfEBhX7p.dpuf
Sagutin 1. Ano ang ipinaglaban ng may-akda? 2. Ano nga nais niyang mangyari? 3. Sino ang inaasahan niyang babasa ng teksto? 4. Anong paraan ng panghihikayat ang kanyang ginamit? Patunayan ang iyong sagot. 5. Ano-anong dahilan ang kanyang inilatag upang makumbinsi ang mambabasa na ipaglaban ang wikang pambansa?
Transcript ng Talumpati ni Senator Grace Poe Nang Magdeklarang Tatakbo sa Pagkapangulo (bahagi lamang) Kulang po ang aking panahon ngayon upang ilahad ang kabuoan ng aking mg mithiin at adhikain. Sa mga susunod na araw, ihahain ko po ang isang komprehensibong programa na naka-sentro sa simpleng prinsipyo at paniniwala: walang maiiwang lugar sa Pilipinas. Sabaysabay tayong aangat at sama sama tayong uunlad! Noong tumakbo ang tatay ko, minaliit siya, sinabi na wala siyang karanasan, at hindi siya Pilipino. Ngunit buong tapang nyang hinarap ang hamon at di niya inurungan ang pagkakataon na tumulong na mapabuti ang buhay ng kapwa-Pilipino.
Ang kanyang karapatan, tapang, at kabaitan ay naging inspirasyon at gabay sa akin. Ang nanay ko naman, sinabi niya: “Anak, sa lahat ng ingay ng politika, huwag mo (sic) walain ang iyong sarili) Ang aking buhay ay isang bukas na aklat. Sino mag-aakala na ang isang sanggol na natagpuan ay makakatuntong sa Senado. Salamat sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin. Huwag ninyong kalilimutan. Magaling ang Pilipino. Mapagmahal, malikhain, at marunong gumawa paraan. Kaya nating marating ang ating mga mithiin para sa bayan kung magsisipag, magmamatyag, at siguraduhin na may tapat na gagabay sa atin.
Dapat sama-sama tayo. Hindi kaya ng iisang tao. Ang mangangako niyan ay nagsisinungaling na. Sa ating lahat nakasalalay ang magiging kuwento ng Pilipinas sa darating na panahon. Sana po ay samahan ninyo ako sa pagpanday ng maganda at makabuluhang hinaharap ng ating inang bayang Pilipinas. Ako po si Grace Poe. Pilipino. Anak, asawa, at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo.
Sagutin 1. Ano ang pakay ng sumulat ng talumpati? 2. Anong paraan ng panghihikayat ang ginamit niya? 3. Isinaalang-alang ba niya ang uri ng babasa ng talumpati? Patunayan ang iyong sagot. 4. Sa iyong palagay, ano-anong damdamin ang naantig ng kanyang isinulat?
Patalastas para sa Pelikulang Heneral Luna Manood at wag mahuli. Baka ikaw na lang ang hindi pa nakakakita!
Sagutin 1. Ano ang nais mangyari ng sumulat ng teksto? 2. Sa iyong palagay, magiging sapat ba ito upang naisin ng makababasa na panoorin ang pelikula? Ipaliwanag ang iyong sagot. 3. Kung bibigyan ka ng pagkakataong dagdagan ito, ano kaya ang iyong idadagdag? Bakit?
Pagsulat ng Journal Sa ano-anong pagkakataon magagamit ang kakayahan nating sumulat ng tekstong persuweysib? Masasabi mo bang makabuluhan ito? Ipaliwanag ang iyong sagot.
Pangwakas “Ang mahusay maghabi ng mga salita ay hindi mahihirapang manghikayat ng madla.”