“TIME TRAVELER”
(Maikling kuwento ukol sa Panahon ng Lumang Bato, Panahon ng Bagong Bato at Panahong Metal)
DRRRIIIINNNGG!!!!
Alas-8 na ng umaga...
Dali-dali akong bumangon sa kama at hindi na nag-alinlangan pa. Bago ako maligo ay inayos ko muna ang mga dadalhin kong gamit.
Pupunta kasi ako sa Venice Museum, ngayon kasi ang Annual Open-Day nito. Nais ko kasing mapuntahan ang restricted section nito na sa okasyong ito lang napupuntahan ng masa. Kalimitan kasi nang nakakapasok doon ay ang mga archeologists at iba pang gaya nila.
Nang matapos akong maligo ay nagbihis na ako agad at kinuha ang aking bag. Nagpaalam ako kay inang umalis at ipinangakong uuwi ng maaga. Pagkalabas ng bahay ay nagmamadali akong lumakad patungo sa aking paroroonan. Mabuti na lamang at medyo malapit lang ang aming bahay at hindi ko na kailangan bumayad ng malaki sa pagsakay ng taxi.
Nakarating ako doon ng mga bandang alas-9, medyo mahaba na rin ang pila sa labas ng museum kaya tumakbo na ako sa pinakahulihan nito. Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ay narinig ko na ang tinig ng guwardiya na nagpapaalala ukol sa kanilang mga rules and regulation habang kami'y pinapapasok.
'Di maalis ang ngiti sa aking mga labi at ang galak sa aking mga mata nang makapasok na ako sa loob ng museum bagama't ilang beses na akong nakapunta dito. Hindi kasi mawala sa aking isip na mapupuntahan ko na sa wakas ang nais kong puntahan. Marami ang dumiretso papaloob maliban sa iba na gaya ko ay agarang lumiko sa kaliwang bahagi. Narito ang pababang hagdan na gawa sa mamahaling marmol, patungong restricted section ng museum.
Habang bumababa pinagmasdan ko ang mga larawang iginuhit ng ilan sa mga kilalang pintor sa buong mundo gaya nila Vincent Van Gogh at iba pa. Pagdating ko sa pinakababa ng hagdan ay napagtanto ko na mag-isa na lamang ako.
Pagkababa kasi sa dulo ng hagdan ay mamimili ka sa 4 na pintuan patungo sa mga bahagi ng restricted section. Pito ang mga bahagi nito at marahil ay nauna na ang mga nakasabay ko kanina sa mga ito. Tumungo ako sa ikahuling pintuan na may sign na “Lost Artifacts” at pumasok sa loob.
Wow! Ito ang tanging salita na nasambit ko nang ako'y pumasok. Kay rami ng mga artifacts na naririto at bawat isa ay naging bahagi ng ating kasaysayan. Sa aking paglilibot ay napagod ako kung kaya't umupo muna ako sa isang working bench na nakita ko sa gitnang bahagi ng lugar. Habang nagpapahinga, binuksan ko ang drawer ng working bench at natagpuan ang ilang piraso ng lukot na papel, mga bolpen at isang maliit na kwaderno. Kinuha ko ang kwaderno at ibinuklat ang mga pahinang animo'y papel na parchment.
Blanko ang unang pahina nito. Sa ikalawa ay may nakasulat sa gitna na: “Ang Aking mga Paglalakbay” at John Maxx Bascon naman sa ibaba nito, na sa tingin ko ay ang pangalan ng may akda.
Nagdadalawang isip akong basahin pa ito dahil napag-alaman kong journal/diary pala ito. Ngunit may kung anong dahilan ang nananaig sa akin na basahin ko ito. Marahil naging curious ako sa title ng journal na ito kaya itinuloy ko ang aking pagbabasa. Sa mga sumunod na pahina ay nakilala ko ang may-akda. Isa siyang clock-maker noong 1948 sa edad na 17 at base sa mga nabasa ko, hilig niya rin ang mageksperimento.
Tumigil ako sa pagbabasa upang tingnan kung may nakamasid sa akin. Nang makita kong wala ay ipinagpatuloy ko ang pagbabasa...
July 2, 1948
'Di ko lubos akalain na natuklasan ko na kung saan ko makikita ang pinakahuling sangkap upang mabuo ko ang tatlong bagay na maaaring makapagpabago sa mundo!
July 6, 1948 Natapos ko na rin sa wakas! Ang una ay isang pocketwatch na makakapagbalik sa akin sa nakaraan. Ang ikalawa naman ay wristwatch na dadalhin ako sa hinaharap at ang pangatlo ay magsisilbing tagabalik sa akin sa kasalukuyan. Sasabihin ko ito sa gobyerno! Kikita ako ng maraming pera! Yayaman na ako!!!
July 7, 1948 Hindi nila ako pinaniwalaan, sa halip ay pinagtawanan lamang nila ang aking mga gawa. Ninais kong ipakita ang mga ito ngunit ayaw nila. Sa galit ko ay hindi ko sinasadyang masaktan ang konsehal. Dahil dito inakusahan nila akong may sakit sa pag-iisip at tinangka nila akong hulihin. Ngunit anong tingin nila sa akin, sasama na lang? Hindi.. Tumakas ako at pansamantalang ligtas dito sa kakahuyan. Bukas ay lilisan ako dito at maghahanap ng ibang matitirahan... Bukas susubukin ko na rin ang mga inimbento ko.. Uunahin kong makabalik sa nakaraan, papatunayan ko sa kanila na hindi ako baliw...
July 8, 1948 Muntik ko ng malimutan ang isang relo.. Buti na lang ngayon pa lang ako aalis... Sana maging maayos ang lahat.. Babalik ako ng buhay, pangako ko ito sa sarili ko...
UNKNOWN DATE 1 Nagising ako sa kakahuyan.. 'Di ko alam kung nasaan ito.. Ngunit mukhang gumana itong relo ko bagama't di ko namalayan na ako'y naglakbay.. Ang huli kong natatandaan ay pag-ikot ng mga kamay nito at bigla na akong nawalan ng kamalayan. Ni ang mismong panahon ay di ko na alam kung ano.. Sana makakita na ko ng tao dito..
UNKNOWN DATE 2 Lumipas ang gabi nang mapayapa.. Nakakita ako ng malapit na kweba at nakakita ako ng tao. Maaaring alam ko na kung anong panahon ito.. Nasa Panahon ng Bato ako, ngunit 'di pa rin ako sigurado kung alin sa tatlo.. Maaaring matuklasan ko ito sa mga susunod pang araw..
… Medyo malapit nang gumabi, ngunit di pa rin nabalik ang taong nakita ko.. Nag-iisa lamang siya.. Marahil para manguha ng kaniyang mga pangangailangan..
UNKNOWN DATE 3 Tatlong araw at dalawang gabi na ang nakaraan, bago ko muling nakita ang tao na pabalik sa kaniyang kweba. Wala siyang huli, ni walang apoy na dala..Nabuhay ako ngayon sa pagkuha ng mga prutas at pag-inom mula sa nakita kong malapit na batis.. Teka... APOY! Tama!! Maaaring ako ay nasa Panahon pa lamang ng Lumang Bato,. Kung saan hindi pa nadidiskubre ng tao ang apoy.. Kelan niya kaya ito madidiskubre? Sana malapit na...
UNKNOWN DATE 4 Ilang araw at gabi na rin ang lumipas ngunit hindi ko pa rin nakikita ang pagtuklas sa apoy.. Di ko alam kung babalik na ako sa kasalukuyan o hindi pa... HALA!! Sandali lamang may nakikita akong tigreng papalapit sa kweba...
UNKNOWN DATE 5 Laking pasasalamat sa akin ng taong kweba nang mailigtas ko siya mula sa kamatayan.. Muntik na rin akong mamatay, buti na lamang ay nadala ko ang mga posporo at nakagawa agad ng torch na makakapagbugaw sa tigre..Hindi ko inaakalang ako pala ang makakatulong sa tao nitong Panahon ng Lumang Bato na madiskubre ang apoy.. Syempre tinuruan ko siyang gumawa nito, hindi gamit ang aking mga posporo kundi gamit ang mga pinagkiskis na bato o di kaya'y gamit ang mga piraso ng kahoy.. Dahil dito ay tinuruan ko na rin siyang gumawa ng hatchet.. Buong araw ay gumawa kami ng mga ito upang magamit niya bilang kutsilyo, palakol, martilyo, pangkayod at punyal...
UNKNOWN DATE 6 Kinabukasan, ginising ako ng aking bagong kaibigan.. Tinuro niya ang kaniyang nahuling usa gamit ang mga ginawa naming sandata.. Dahil dito, nagsimula ako ng apoy at tinuruan ko naman siyang iluto ang
laman ng kaniyang nahuli. Matapos, mukhang nasarapan siya sa lasa nito at muling nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa akin...
UNKNOWN DATE 7 Sa aking pananaw, nakapagtigil ako sa panahong ito ng 6 na buwan at sa loob noon ay naturuan ko siya ng mga bagay gaya ng paggamit ng apoy, ang pagluto ng pagkain, ang paggawa ng hatchet, paggawa ng mga kasuotang yari sa hayop, at pagtatahi ng damit gamit ang ginawa naming butong karayom... Hindi ko na kailangan pang dagdagan ang kaniyang kaalaman.. Hindi ko maaaring sabihin kung saan ako nagmula... Wala ito sa kasaysayan kaya't 'di ko na dapat pang pakialaman.. Natutuwa lamang ako at di pa rin makapaniwala na ako ang nagturo sa tao ng Panahon ng Lumang Bato.. Isa itong karangalan na kailanman 'di ko malilimutan kahit na hindi alam ng mga tao ng kasalukuyan... Nalulungkot man ako ay kailangan ko na rin munang magpaalam sa aking kaibigan... Marami pa akong lalakbaying panahon..
May mga ilang bahagi na punit mula sa kwaderno, ngunit patuloy ko pa rin itong binasa...
UNKNOWN DATE 35 Sa dami ng nalakbay kong panahon, nagagalak akong muling makabalik sa nakaraan.. Sa tingin ko ako naman ngayon ay nasa Panahon ng Bagong Bato.. 'Di ko malilimutan itong araw na ito, bagama't di ko alam kung anong eksaktong petsa.. Paano ba naman kasi ay mula sa aking paglalakbay, nagising na lamang ako sa ibabaw ng mataas na dayami.. Buti na lamang at may mas maliliit pang kumpol ng dayami sa paligid ko kung kaya't nakababa ako nang walang galos.. Nang makababa ay nakita ko ang isang grupong nomad na natutulog sa latag ng damo.. dito lang sa labasan.. Walang bahay, 'di gaya ng mga nasa librong nababasa ko noon ukol sa panahong ito... Marahil, ito na naman ang pagkakataon upang maturuan ko muli sila..
UNKNOWN DATE 36 Marami na naman akong kaibigan.. Nung una, akala nila ako'y kalaban ngunit nakausap ko naman sila ng maayos.. Hindi muna ako magtuturo ngayon sa kanila, oobserbahan ko muna sila ng ilang araw...
UNKNOWN DATE 37
Ilang araw na naman ang nakaraan.. Nakita ko ng personal ang mga inilalarawan sa libro.. Ang pagtuklas nila sa pagsasaka at pag-istak ng pagkain. Nagsimula rin silang magsaka at magpastol.. Ngunit kulang pa ang mga ito kung susuriin maigi ang libro... Kaya ngayon tinuruan ko silang gumawa ng bahay na yari sa pinagtali-taling mga sanga ng punong-kahoy... Tinuruan ko na rin silang maghabi ng basket at palayok kasabay ang paglagay dito ng putik upang mas maging matibay...
UNKNOWN DATE 38 Gaya ng aking nakagawian, nagpaalam muli ako sa aking mga kaibigan at bumalik sa kasalukuyan..
Ilan pang pahina ng kwaderno ang napunit at ang iba naman ay niluma na ng panahon ang intang ginamit na panulat dito.. Akin ring nabasa na nakapunta rin siya sa Panahon ng Metal. Siya pala ang nakatulong sa mga tao noon na madiskubre ang bronze, adobe at ginto, na kung saan ginamit bilang paggawa ng mga sandata at ginamit ding pangkalakal... Hindi ko na maintindihan ang iba kung kaya't binasa ko na lamang ang huling entry na nakasulat sa journal na ito...
February 13, 1974 Kay sarap balikan ng mga alaala na mismong ikaw ang nakaranas... Lubos ang ang aking panghihinayang at nawala ko ang relong ito... Marami akong naging kaibigan mua sa iba't ibang panahon.. Nakita ko ang bawat pag-unlad ng tao at ng sibilisasyon ng mga ito... Wala nang hihigit pa sa kaligayahan ko... Kay saya ko rin na, hindi man alam ng lahat, ay nakapag-iwan pala ako ng mga marka na ako'y naroroon.. Napahayag ito sa mga kalaunang panahon gaya noong 1287, nang matuklasan sa isang kweba ang isang drawing ng dalawang tao. Ang isa ay itsurang caveman at ang kasama nito ay nakasuot ng animo'y tuxedo at nakasuot ng top hat.. Hindi sila makapaniwala sa natuklasan sapagkat tinatayang Panahon pa ito ng Lumang Bato iginuhit.. Natuwa naman ako ng malaman ito, sapagkat alam kong ako ang nasa guhit na iyon.. Ikinagalak ko rin na natuto palang gumuhit ang kaibigan kong iyon...
Hindi ako makapaniwala sa aking mga nabasa. Hawak ko ay isang ebidensiya. Ebidensiyang may time traveler at hindi lang siya ordinaryong time traveler! Malaki ang naging papel niya noong sinaunang panahon na siyang dahilan nang pag-unlad natin ngayon. Ngunit ano kaya ang ibig niyang sabihin dito na nanghihinayang siya at hindi niya napansin na ito'y nawala? Alin kaya sa tatlong relo 'yun?
“Gusto mong ipakita ko sa'yo iho?”
Sa aking gulat ay bigla akong napatayo at naibagsak ang kwaderno. Sa aking harapan ay naroon ang isang matandang lalaking nakangiti sa akin.
“Humihingi ako ng pasensiya kung nagulat kita. Ako nga pala ang may-ari ng museum na ito at sa aking pag-ikot sa lugar ay nakita kita ritong nag-iisa. Kanina pa kita pinagmamasdan ngunit nahiya akong abalahin ka sa iyong pagbabasa kaya minabuti kong umalis muna at bumalik na lamang. Sakto naman na sa aking pagbalik ay parang tapos ka na dahil mukhang malalim na ang iyong iniisip. Nabasa ko na rin iyan, dalawang taon na ang nakakalipas at nalimutan ko ng diyan ko pala nailagay... Hmmm, napagtanto ko na iniisip mo ang mga huling nakalagay diyan. Tama ba ako?” aniya.
“Ah, okay lang po yun. Ako po si Laxus, ikinagagalak ko po kayong makilala. Pangarap ko pong mapuntahan talaga ang bahaging ito ng museum niyo po,” sagot ko. “Opo, ano po kayang relo yun?” dagdag ko pa.
“Halika't ipapakita ko sa'yo,” sagot niya. Sumunod ako sa kaniya at kami'y nagtungo sa dulong parte ng silid. Naroroon sa loob ng glass wall ang isang ordinaryong bato na may katamtaman ang laki.
“Ano pong meron?” tanong ko nang hindi ko makita kung ano ang dapat kong hanapin.
“Titigan mong maigi ang nasa itaas na bahagi nito,” aniya habang tinuturo ang tinutukoy. 'Di naglaon ay nakita ko na ang ang kaniyang tinuturo at ako'y natuwa. Naroroon ang relong tinutukoy sa journal, isa itong pocketwatch na kakulay ng batong kinalalagyan nito ngayon kaya hindi ko agad ito napansin.
“Ibig sabihin po pala ang nawawalang relo ay ang makakapagbalik sa inyo sa nakaraan?,” tanong ko. Tumango ang matanda at nagwika: “Kung iyong mababasa dito sa description nitong artifact na ito, isa ito sa greatest discovery ng taong 1600's. Akalain mong may makita silang artifact na naglalaman ng relong mas advance pang nagawa kaysa sa panahong tinatayang edad nito. Nakuha ito ng panahong 1600's ngunit ang bato ay napag-alaman, mula sa iba pang gamit na kasama nito, na noon pang panahon ng metal ito. Masuwerte ako at napunta sa pangangalaga namin ngayon ito.”
“Wow naman! Ang galing galing talaga! Nagagamit pa po kaya yan?” sabi ko.
“Wala ni isa ang nagbalak sumubok nito. Marahil ay nakita lang ito bilang relo lamang, marahil ay tayo lamang ang naka-aalam na ito ay hindi isang ordinaryong relo lamang,” sabi niya. “Kung alam man ng iba ang istorya dito, hindi nila aasaming gamitin ito sapagkat hindi na sila makakabalik sa kasalukuyan. Tanging ang may-akda lamang ang maaaring makagamit nito... Oh siya iho, mukhang nagugutom ka na ata. Tara kumain muna tayo.” sabi niya.
“Oo nga po, sa sobrang excitement ko po ay 'di ko na namalayang kumukulo na pala ang tiyan ko,” pabiro kong wika sa kaniya. Bumalik na kami sa taas at nilibre niya ako ng tanghalian sa canteen ng museum. Nang matapos ay nagpasalamat ako sa kaniya sa paglibre sa akin at muling ihinayag ang aking galak na makarating sa restricted section nito.
“Maraming maraming salamat po talaga...,” di ko alam kung ano ang itatawag ko sa kaniya. Hindi pa nga pala siya nagpapakilala talaga sa akin ng formal, kaya minarapat kong tanungin ito bago ako umuwi.
“Ah, oo nga pasensya na... Ako nga pala iho si Mr. Bascon... John Maxx Bascon...”
THE END